Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


Lucas 20

Pinag-alinlanganan ang Kapamahalaan ni Jesus
    1Nangyari, na isa sa mga araw na iyon, habang nagtuturo si Jesus sa mga tao sa templo at ipinangangaral ang ebanghelyo, pumunta sa kaniya ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan na kasama nila ang mga matanda. 2Nagsalita sila sa kaniya. Sinabi nila: Sabihin mo sa amin kung sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
    3Sumagot siya sa kanila na sinabi: Itatanong ko rin sa inyo ang isang bagay. Sabihin ninyo sa akin: 4Ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa tao?
    5Nagtanungan sila sa isa't isa na sinasabi: Kung sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya: Kung gayon, bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? 6Ngunit kapag sinabi nating mula sa mga tao, babatuhin tayo ng lahat ng mga tao sapagkat naniniwala silang si Juan ay isang propeta.
    7Sumagot sila kay Jesus na hindi nila alam kung saan iyon nagmula.
    8Sinabi ni Jesus sa kanila: Kahit ako, hindi ko rin sasabihin kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasakaga
    9Sinimulan niyang sabihin sa mga tao ang isang talinghaga. Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Ipinaupahan niya ito sa mga magsasaka ng lupain at nilisan niya ang bayan sa mahabang panahon. 10Sa kapanahunan, isinugo niya sa mga magsasaka ang isang alipin upang ibigay nila sa kaniya ang bunga ng ubasan. Ngunit binugbog ito ng mga magsasaka at pinaalis nang walang dala. 11Muli siyang nagsugo ng isang alipin ngunit binugbog din nila ito at pinagmalupitan at pinaalis nang walang dala. 12Nagsugo siyang muli ng pangatlo ngunit kanila rin siyang sinugatan at itinaboy palabas.
    13Sinabi ng panginoon ng ubasan: Ano ang gagawin ko? Susuguin ko ang pinakamamahal kong anak na lalaki. Marahil siya ay igagalang kapag siya ay kanilang nakita.
    14Ngunit nang siya ay makita ng mga magsasaka, sila ay nag-usap-usap. Kanilang sinabi: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang mana. 15Nang siya ay kanilang maitaboy palabas ng ubasan, siya ay kanilang pinatay.
   Ano nga ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? 16Darating siya at lilipulin ang mga magsasakang ito. Ang ubasan ay ibibigay niya sa iba.
   Pagkarinig nila nito, kanilang sinabi: Huwag nawang mangyari.
    17Tiningnan niya sila at kaniyang sinabi: Ano nga ang kahulugan ng nasusulat na ito:
       Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ay
       naging batong panulok?
    18Ang bawat isang babagsak sa batong iyon ay magkakapira-piraso. Ngunit ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.
    19Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay naghanap ng paraan upang hulihin siya sa oras ding iyon at natakot sila sa mga tao. Ito ay sapagkat alam nila na sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila.

Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar
    20Sa pagmamatyag nila sa kaniya, nagsugo sila ng mga tiktik na magkukunwaring matuwid upang maipahuli nila siya sa kaniyang pananalita. Nang sa gayon ay maibigay nila siya sa pamunuan at kapamahalaan ng gobernador. 21Tinanong nila siya na sinasabi: Guro, alam naming ikaw ay nagsasalita at nagtuturo ng tama. Ikaw ay hindi nagtatangi ng tao. Itinuturo mo ang daan ng Diyos na may katotohanan. 22Naaayon ba sa kautusan na kami ay magbigay ng buwis-pandayuhan kay Cesar o hindi?
    23Alam ni Jesus ang kanilang katusuhan. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako sinusubukan? 24Ipakita ninyo sa akin ang isang denaryo. Kaninong anyo ang narito at papatungkol kanino ang nakasulat dito?
   Sumagot sila: Kay Cesar.
    25Sinabi niya sa kanila: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.
    26Siya ay hindi nila mahuli sa kaniyang pananalita sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kaniyang sagot at tumahimik sila.

Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa
    27Pumunta sa kaniya ang ilan sa mga Saduseo na tumatangging mayroong muling pagkabuhay. Nagtanong sila sa kaniya: 28Guro, si Moises ay sumulat sa amin na kapag mamatay ang kapatid na lalaking may asawa at walang anak, dapat kunin ng kapatid niyang lalaki ang asawa nito. Kukunin ng kapatid ang asawang babae upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na namatay. 29Mayroon ngang pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa at namatay na walang anak. 30Kinuha siya ng pangalawa upang maging asawa at ang lalaki ay namatay na walang anak. 31Ang babae ay kinuha ng pangatlo at hanggang sa pampito, gayon ang nangyari. Wala silang iniwang anak at namatay. 32Sa kahuli-hulihan, namatay din ang babae. 33Kung magkagayon, sa muling pagkabuhay, kaninong asawa siya? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng pito.
    34Sumagot si Jesus: Ang mga anak ng kapanahunang ito ay nag-aasawa at ikinakasal. 35Ngunit sa kanila na itinuring na karapat-dapat na magtamo ng kapanahunang darating at ng muling pagkabuhay mula sa mga patay ay hindi nag-aasawa ni ikinakasal. 36Ito ay sapagkat hindi na sila mamamatay kailanman dahil sila ay magiging katulad ng mga anghel. Sa pagiging mga anak ng muling pagkabuhay, sila ay mga anak ng Diyos. 37Ngunit maging si Moises ay nagpatunay nito sa salaysay patungkol sa palumpong[1] na ang mga patay ay muling mabubuhay. Ito ay nang tawagin niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob. 38Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay. Ito ay sapagkat ang lahat ay nabubuhay sa kaniya.
    39Sumagot ang ilang guro ng kautusan: Guro, mahusay ang pagkasabi mo. 40Hindi na sila naglakas ng loob kailanman na magtanong sa kaniya ng anumang bagay.

Kaninong Anak ang Mesiyas?
    41Sinabi niya sa kanila: Papaano nilang sinasabi na ang Mesiyas ay anak ni David? 42Ito ay sapagkat si David na rin ang nagsabi sa aklat ng mga Awit:
       Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon:
       Maupo ka sa aking kanan. 43Ito ay hanggang
       mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang
       tuntungan ng iyong mga paa.
44Kaya nga, tinawag siya ni David na Panginoon, papaano nga siya naging anak niya?

Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw
    45Habang nakikinig ang mga tao, siya ay nagsabi sa kaniyang mga alagad. 46Mag-ingat kayo sa mga guro ng kautusan na nasisiyahang maglakad na may mahabang kasuotan. Ibig nila ang mga pagbati ng mga tao sa mga pamilihang-dako. Ibig din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at mga pangunahing dako sa mga hapunan. 47Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo. Bilang pagpapakunwari, nananalangin sila ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.

Show footnotes


  1. 20:37 O mga mababang puno.


Tagalog Bible Menu